Lunes, Marso 7, 2011

Bagong Talavera Police Station, pinasinayaan

Pinasinayaan noong Pebrero 16, 2011  ang bagong gusali ng pulisya ng Talavera at si Police Director General Raul M. Bacalzo, hepe ng pambansang pulisya ang naging panauhing pandangal.
    Kabilang sa mga opisyales na dumating ay sina PSSUPT Roberto L. Aliggayu, PD, NEPPO PCSUPT Alan LM. Purisima, RD, PRO3 at iba pang opisyales ng pambansang pulisya.
Nagkaroon muna ng maikling programa, si Rev. Fr. Joel S. Cariaso ang nanguna sa panalangin, sinundan ng bating pagtanggap ni Mayor Nery Santos, dito ay kanyang sinariwa ang hindi inaasahang pangyayari kay PSSUPT RICARDO DAYAG nung unang araw ng bagong taon.
    Ayon kay Mayor, sa kabila ng maikling panunungkulan ni PSSUPT Dayag ay nagpakita ito ng sinseridad at katapatan sa tungkulin at kung hindi nangyari ang trahedya ay sa kanyang panunungkulan sana bubuksan ang bagong himpilan ng pulisya.
    Sa pamamagitan ng ginawang resolusyon ng Sangguniang Bayan, inihayag ni Mayor Nery na ang gusali ay ipapangalan kay Col. Ricardo Dayag.
    Ipinaalala rin ni Mayor, na ang kaayusan at kaunlaran ng pamayanan ay nasa pagtutulungan ng pamahalaan, ng mamamayan at ng kapulisan. Na kung walang katahimikan ang pamayanan ay walang kaunlaran.
   Sa pagsasalita ni PDG Bacalzo, isinalaysay niya ang kanyang nagdaang panunungkulan dito sa ating lalawigan. Pinasalamatan niya si Mayor Nery dahil sa ibinigay na tulong upang matapos ang bagong himpilan  ng pulisya.
    Ibinida din ni PDG Bacalzo na sila ni Mayor Nery ay magkakilala na mula pa man noong siya ay koronel pa lamang at ng siya'y hiranging PNP Chief tanging si Mayor Nery lamang ang nakadalo na mayor sa kanyang inagurasyon.
    Kaya kahit hindi nakaprograma o walang pondo ang matagal ng nakatiwangwang na gusali ng PNP ito ay natapos ng mabilisan dahil na rin marahil sa pagiging magkaibigan ni Mayor Nery at PDG Bacalzo ng mahabang panahon.

30 kabataan, isinailalim sa “diversion o intervention program”

Noong nakaraang Disyembre 2010, 30 kabataang ang isinailalim sa “diversion o intervention program”.
    Ang nasabing programa ay nakapaloob sa Comprehensive Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 or Republic Act 9344 (RA 9344), isang batas na pumoprotekta sa mga batang menor de idad na nasangkot sa krimen na tinatawag na “Children in Conflict with the Law”  o (CICL) .
    Ayon sa RA 9344, ang mga CICL  o batang sangkot sa krimen na may edad 15 pababa ay exempted sa “criminal liability” o walang pananagutan sa krimen kahit napatunayan ito.
    Dahil sa wala silang“criminal liability”, hindi sila pwdeng i-detain o ikulong sa presinto kapag nahuli. Dapat ay maibalik agad sila sa kanilang mga magulang o kamag-anak. Kung wala na silang mga magulang o kamag-anak ay ipapasa sila sa DSWD at isasa-ilalim sa “diversion  program“.
    Dito ang mga bata ay inilalagay sa isang “counselling”.
    Dahil sa hindi pa maaring ikulong, ang 30 kabataan ay binigyan ng alternatibong gawain. “Community Service” o pinaglilinis sa mga pampublikong lugar tuwing sabado, mula 8-10:00 a.m. sa loob ng limang (5) buwan. Sila rin ay pinag-uulat kasama ang magulang at social worker na nakasubaybay sa tanggapan ng Municipal Social Welfare & Development o MSWD  minsan isang buwan.
    Para naman sa mga CICLs edad 15-17, ang social worker naman ang magrerekomenda kung sila ay lilitisin at ipakukulong.
    Layunin ng programang ito na muling maibalik sa lipunan ang mga bata at mabigyan ng pagkakataon na makapagbago.

Senior Citizen ng Talavera

Lathalain-Ang Senior Citizen ng Talavera ay isang himalang maituturing, dahil sa ito'y naging buhay at masiglang samahan ngayon. Kung baga ito'y isang pilay na nakalakad, isang bulag na nakakakita na, isang patay na muling nabuhay dahil sa ipinakitang pagmamalasakit sa kanila ng Punong Bayan Nerito L. Santos.
    Dati sila'y nanghihingi ng pondo sa mga pribadong sektor at pulitiko para sa kanilang samahan, ngayon sila na ang nagpa-pamigay sa kanilang mi-yembro na galing sa sarili nilang kita. May mga programa silang inihahanda upang  pa-siglahin ang kanilang samahan tulad ng buwanang pulong na dinadaluhan ng lahat ng miyembro. Kung dati'y mahirap sa kanila ang pagdalo sa pulong, ngayon kinasasabikan na nila ang pagsapit ng unang Biyernes ng kanilang pagkikita.
    Mayroon silang pala-tuntunan gaya ng Linggo ng Katandaan, at partisipasyon sa mga Araw ng Kalayaan, Buwan ng Kalusugan, Ka-paskuhan at Fiesta ng Bayan. Nagtatag din sila ng kanilang choir at dance group at pagkakaroon ng aerobics tuwing araw ng Biyernes alas 3:00 ng hapon sa himnasyo. Mayrooon din silang prog-ramang naka-tutulong sa lipunan gaya ng boluntaryong paglilinis ng kapaligiran.
    Para sa paglilingkod sa kanilang mga kasamahan, mayroon silang pagbisita sa mga nanlalamig o pagdalaw sa mga may sakit. At isa pang serbisyo ng Senior Citizen Center (SCC) ay ang Libing ng Masa, isang programa ng pagtulong sa pagpapalibing ng libre sa mga namatay na mahihirap. Kasama ang Municipal Social Welfare Development (MSWD) sa pagpapatupad ng programang ito.
    Dahil dito, ang Talavera Senior Citizen ay binigyan ng akreditasyon noong Set-yembre 2010 ng Region III, San Fernando bilang pagkilala sa kanilang magandang kontribusyon sa Bayan .
    Bilang pag-papahalaga ng punong bayan sa  samahan ay nagdagdag ng taunang pondo na ipinaraan sa MSWD ng halagang P272,000 para sa kanilang operasyon at iba pang panustos bukod sa pondong kita na nanggagaling sa Bagong Talavera Senior Citizen Funeral Parlor. 

Kampanya laban sa rabis, buong pwersang isinusulong

Nagpalabas ng ordinansa ang Sanguniang Bayan bilang kampanya laban sa rabies noong Oktubre 18, 2010.
    “Municipal Ordinance No. 014-2010, providing rules and regulations for the prevention of severe viral disease commonly known as RABIES, and prescribing penalties for its violation.”
    Ang naturang ordinansa ay naglalaman ng mga responsibilidad ng mga may-ari ng aso. Nakasaad dito,  na ang bawat alagang aso ay kailangang iparehistro sa barangay upang magkaroon ng talaan at mabigyan ng karampatang bakuna o vaccine anti-rabies ang mga ito.
    Ipinababatid din sa may-ari na huwag hayaang pagala-gala sa labas ng bakuran o sa kalsada ang kanilang alagang aso. Ang mga  makikitang asong pagala-gala ay huhulihin at dadaldin sa barangay at ikukulong.
    Sa mga mahuhuling aso, bibigyan lamang ng dalawang araw ang may-ari upang bawiin. At kung walang babawi at mag-aampon, ito ay papatayin sa pamamaraan ng “euthanasia” o “mercy killing” at tanging veterinarian lamang ang maaaring magsagawa nito.
    Mahigpit din ipinagbabawal ang pagkatay at pagkain ng aso. Sa mga mahuhuling lalabag, sila ay papatawan ng karampatang parusa at multa. Ganoon din sa mga manunupsop at mananandok o tawak dahil hindi naayon sa medisina ang ganitong uri ng panggagamot.
    Ayon kay Gng. Liberty  Castro,  simula noong Setyembre 2010 hanggang Pebrero taong kasalukuyan ay may 121 kaso ng nakagat ng aso at ang isa sa mga ito ay hindi ipinaalam sa magulang na siya ay nakagat ng aso na naging sanhi
ng kanyang pagkamatay.
    Sa ngayon, patuloy ang paseminar sa lahat ng barangay tungkol sa “Rabies Information Education Campaign”. Layunin nito na magbigay ng sapat na kaalaman tungkol sa mga unang hakbang na dapat gawin kapag may nakagat ng aso o ng anumang hayop.
    Ipinagbibigay alam na ang ating pamahalaang bayan ay mayroong “Animal Bite Treatment Center” na kasalukuyang ay nasa proseso ng akreditasyon ng Department of Health (DOH). Ito ay matatagpuan sa gusali ng Municipal Health Office, sa loob ng compound ng munisipyo.
Ang nakatalagang gumaganap ay sina Gng. Liberty Castro, Consultant on Health-para sa tao at Dra. Eugenia De Belen-Reyes, Consultant Veterinarian-para naman sa mga hayop. Sila ay nasa ilalim ng pagsubaybay nina Dra. Yolanda C. Lucas at Dr. Ronaldo L. Santos.

Disiplina sa sarili, solusyon sa problema sa basura


“Disiplina sa sarili ang tanging solusyon sa problema sa basura”, ito ang mga salitang binabanggit ni Punong Bayan Nerito L. Santos sa tuwing napag-uusapan ang programang kalinisan ng ating bayan.
Ayon din sa kanya, kung lahat ay may disiplina at malasakit, mamamayani sa ating bayan ang kalinisan ng kapaligiran.
Ang tanggapan ng General Services Office (GSO) ang inatasan ng punong bayan na mangangasiwa sa pagmimintina ng kalinisan at kaayusan sa kapaligiran ng liwasang bayan at palengke.
Samantala, ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ay sa pangongolekta ng mga basura at paglilinis ng buong bayan.
 Ayon kay Engr. Daniel M. Ferrer, hepe ng GSO, at Bb. Francisca I. Guevarra hepe ng MENRO, nagtalaga sila ng mga tagalinis sa iba't-ibang bahagi sa palibot ng bayan mula sa Brgy.  Matias hanggang Brgy. Poblacion Sur. Minimintinahan nilang linisin ang nagkalat na papel, plastik at anumang dumi sa kalsada, palengke, parke at munisipyo upang maging kaaya-aya sa paningin ng mga tao.
Naglagay ng mga basurahan sa palibot ng bayan at nagkabit ng mga billboard o karatula sa mga pampublikong lugar na naglalaman ng mga kaukulang parusa o multa sa mahuhuling nagkakalat ng basura.
Dagdag pa dito, nagtalaga ang punong bayan ng tagamasid sa mga taong walang pakundangang nagkakalat at walang disiplinang nagtatapon ng mga supot, basyo ng pinagkainan at upos ng sigarilyo sa paligid upang sila ay pagsabihan, sitahin, hulihin at pagmultahin ayon sa batas.
Ang ordinansa bilang  013-2004,  isa sa mga batas na ginawa ng Sangguniang Bayan at ipinatutupad naman ng punong bayan, ay nagbabawal ng pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar tulad ng parke, pelengke at sa mga yamang tubig tulad ng ilog at sapa na may kaukulang parusa at multa para sa mga mahuhuling lalabag dito.
Inaasahan na sa pamamagitan ng mahusay na pagganap ng GSO at MENRO kasama pa ang boluntaryong partisipasyon ng mamamayan, ang programang pangkalinisan at pangkalusugan ng pamahalaang bayan ay magsisilbing salamin ng isang maunlad na bayan.

Mga Tanggapan ng Pamahalaang Bayan ng Talavera humakot ng mga parangal

Ang Business Permit and Licensing Office (BPLO), Municipal Social Welfare and Development (MSWD), Municipal Environment and Natural Resources (MENRO) at Municipal Tourism Office ay mga tanggapan ng pamahalaang bayan ng Talavera na nagkamit ng parangal at pagkilala.
    Ang Business, Permit and Licensing Office (BPLO) ay nagkamit ng unang titulo bilang “Most Friendly LGU” noong Oktubre 13, 2010, itinanghal sanang pinakamahusay kung may Close Circuit Television (CCTV) Camera ang kanilang tanggapan. Ngunit kinilala bilang “Consistent Hall of Famer” sa loob ng limang sunod sunod na taon sa temang “Streamlining of Issuance of Business” noong nakaraang Abril. Isang pagkilala sa kanilang mahusay na serbisyo ang binigyang pansin upang gawaran din ng “Award of Excellence in the Implementation of e-Governance for Municipal Development Program noong Setyembre 6, 2010. Ibig sabihin, nagkaroon ng mabilis na usad ng mga dokumento sa loob lamang ng ilang minuto dahil nawala ang “red tape”.
     Ayon kay Gng. Rosemarie Reyes, hepe ng BPLO, “masigla ang pagnenegosyo ngayong taon dahil tumaas ang bilang ng nagbabayad ng buwis at kumukuha ng permit sa pagnenegosyo na umabot na sa 1, 264 ang bilang ng mga aplikante kumpara sa 1,232 nang nakaraang taon.”
Ganoon pa man, ang BPLO ay patuloy pa din sa pagpapaganda ng kanilang serbisyo at kabilang sa kanilang pinagsisikapan ay ang pagkakaroon ng GPS na sistema ng computerization sa buong munisipalidad, at ang patuloy na pagpapalakad sa Business One Stop Shop (BOSS).
     Ang MSWD ay nagwagi ng tatlong titulo mula sa iba't- ibang kategorya sa nakaraang “Children's Congress 2010”, Oktubre 2010.
     Ang Little Angel Day Care Center ng Brgy. Pinagpanaan ang naging pambato ng MSWD upang makuha ang tatlong titulo ng parangal. Sa paggabay nina Day Care Worker Gng. Florencia Hipolito, Federation President  at Gng. Rufina C. David ay nanalo ng unang gantimpala sa larangan ng pagsayaw (Provincial Level) noong Oktubre 27, 2010. Ang pangalawa ay sa larangan ng pagtula (Regional level), nanalo ng pangatlong gantimpala at panghuli ay sa “Day Care Worker General Assembly Dance Showdown” noong Nobyembre 26, 2010, bilang kampeon. (Provincial Level)
     Samantala, pinarangalan din ang MENRO bilang isa sa may “Pinakamaringal na Eco-Park 2010” at  ang Municipal Tourism Office na nagwagi ng pangalawang gantimpala sa “Best of Float”.  noong ika-144 na pagdiriwang ng “ Araw ng Nueva Ecija”, Setyembre 2, 2010 sa Convention Center, Palayan City.
     Binigyan naman ng plake ng pagpapahalaga ang palengke at slaughter house noong nakaraang Nobyembre 2010 sa Provincial Convention Center.

Programang Lingap Batang Lansangan, inilunsad


Pormal na inilunsad noong January 24, 2011 ang programang “Lingap Batang Lansangan” ni Punong Bayan Nerito L. Santos na sinaksihan ng lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa himnasyo ng Talavera, saksi rin ang Sangguniang Bayan at ang hudikatura sa pangunguna ni Kgg. Fraiser Viterbo, kasama ring dumalo ang mga magulang ng 38 batang nagmula sa mga barangay ng Maestrang Kikay,  Sampaloc  at  Matias.
      Naging bisitang pandangal ang Kura Paroko na si Fr. Joel Cariaso. Dito ay isinalaysay niya kung paanong nagsimula ang konsepto na kanyang ipinarating sa punong bayan upang tugunan ang suliranin sa mga batang lansangan.
      Sa buod ng pananalita ng pari, inamin niya na maraming sumbong sa mga sumisimba tungkol sa mga bata na nangangalabit at nanghihingi ng limos sa oras ng misa kung kaya sila ay nawawala sa konsentrasyon ng seremonya.
      Sinabi rin ng pari na siya'y nagbalak na ipadala ang mga bata sa mga institusyong kumakalinga sa ganitong uri ng problema katulad ng “Boys Town” o sa mga institusyon ng mga madre na mayroon sa ating lalawigan. Ngunit inamin niyang hindi rin ito ganito kadali kaya siya ay nakipag-ugnayan sa punong bayan.
      Ayon sa pari, siya ay labis na nagagalak sa naiibang aksyon ng punong bayan.  Aniya “Holistic” ang dating. Ibig sabihin, mayroong sangkap ng edukasyon, gabay panlipunan, ispiritwal at pangkabuhayan.
      Bilang panimula binigyan naman ng punong bayan ang mga bata ng mga gamit gaya ng bag, notebook, sapatos, at uniporme. Ang ibang mga empleyado ay tumulong din sa pagbibigay gaya ng toothbrush, tooth paste, sabon, suklay at iba pa.
      Si Gng. Aurora Juliano ang tumutugon sa edukasyon ng mga bata. Nagtuturo ng dalawang klase, may pang-umaga at panghapon.
Layunin nito na maihanda ang mga bata at muling maibalik sa paaralan sa susunod na pasukan.
      Si Gng. Emma de Ocampo, MSWDO, naman ang sumasagot sa suliraning panlipunan  gaya ng paggabay o pagtuturo sa mga magulang ng values, kanilang mga obligasyon at karapatan ng mga bata.
      Samantala, si Fr. Joel Cariaso ang tutugon sa pang-ispituwal na pangangailangan ng mga bata na kasalukuyang nag-hahanda pa ng programa.
      Iniatang naman ng punong bayan kay G. Benito Arma ng MCDO, ang gawaing pangkabuhayan para sa mga magulang ng mga bata upang magkaroon sila ng sariling pagkakakitaan para sa pang-araw araw na pamumuhay.
      Bago matapos ang programa nagpakita ng talento ang mga bata sa pamamagitan ng pagsayaw na ikinatuwa ng mga nanunuod.