Miyerkules, Marso 2, 2011

Seminar sa Japan, dinaluhan








Dumalo si Municipal Administrator Nerivi S. Martinez sa taunang kurso ng pagsasanay para sa mga kabataang lider sa Japan sa ilalim ng programa ng JICA noong Enero 23 hanggang Pebrero 9, 2011.
      Ang mga kabataang lider ay dumaan sa “screening process” at ang mga nakapasa ay binigyan ng paanyaya base sa linya ng kanilang kasanayan, hangarin ng JICA na makapagbahagi ng makabagong teknolohiya at kaalaman para sa mga nagsidalong bansa at maiangkop ang mga ito pagbabalik nila sa kanilang bayan at maihanda sila bilang lider ng bansa sa hinaharap.
     Ang programang ito ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ay nagsimula noong taong 2007.   
     Layunin nito na hubugin ang mga batang lider, edad 25-35, mula sa iba't- ibang bahagi ng mundo.
     Ang programang ito ay dating  ASEAN-JAPAN Friendship Program for the 21st Century. Ang ating PARO I ng DAR North, Ms. Joyce Ramones ay isa din sa nakadalo sa nasabing pagsasanay at kasalukuyang nagbabahagi ng kanyang mga natutunan at karanasan sa larangan ng Agrikultura. Ang programa ng JICA  ay sinimulan pa noong taong 1982 para sa bansang ASEAN at lumawak ito ng humigit kumulang sa 120 bansa upang patatagin ang bigkis ng pagkakaibigan.
     Ang programang ito makatutulong sa kasanayan ng mga kabataang lider sa iba't ibang larangan ng paglilingkod para sa kaunlaran ng pamayanan at lipunan.
     Ang kursong dinaluhan ni Administrator Martinez ay ang pamamahala o administratibo bilang “public servant”. Pamamahala sa kapaligiran ukol sa basura at kalikasan, kooperatiba, agrikultura, kalusugan, pamilihang bayan, at lokal na turismo.
     Sinabi ni Admin. Martinez, natutunan niya ang mga sangkap ng pagiging maunlad ng bansang Japan. Ito ay sa kadahilanang ang mga mamamayan dito ay disiplinado, mapagmahal sa bayan at masunurin sa batas, mapitagan sa mga nakatatanda at lider, masipag at mapagmalasakit sa kumpanyang pinapasukan, at  may malasakit sa kalikasan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento