Nagpalabas ng ordinansa ang Sanguniang Bayan bilang kampanya laban sa rabies noong Oktubre 18, 2010.
“Municipal Ordinance No. 014-2010, providing rules and regulations for the prevention of severe viral disease commonly known as RABIES, and prescribing penalties for its violation.”
Ang naturang ordinansa ay naglalaman ng mga responsibilidad ng mga may-ari ng aso. Nakasaad dito, na ang bawat alagang aso ay kailangang iparehistro sa barangay upang magkaroon ng talaan at mabigyan ng karampatang bakuna o vaccine anti-rabies ang mga ito.
Ipinababatid din sa may-ari na huwag hayaang pagala-gala sa labas ng bakuran o sa kalsada ang kanilang alagang aso. Ang mga makikitang asong pagala-gala ay huhulihin at dadaldin sa barangay at ikukulong.
Sa mga mahuhuling aso, bibigyan lamang ng dalawang araw ang may-ari upang bawiin. At kung walang babawi at mag-aampon, ito ay papatayin sa pamamaraan ng “euthanasia” o “mercy killing” at tanging veterinarian lamang ang maaaring magsagawa nito.
Mahigpit din ipinagbabawal ang pagkatay at pagkain ng aso. Sa mga mahuhuling lalabag, sila ay papatawan ng karampatang parusa at multa. Ganoon din sa mga manunupsop at mananandok o tawak dahil hindi naayon sa medisina ang ganitong uri ng panggagamot.
Ayon kay Gng. Liberty Castro, simula noong Setyembre 2010 hanggang Pebrero taong kasalukuyan ay may 121 kaso ng nakagat ng aso at ang isa sa mga ito ay hindi ipinaalam sa magulang na siya ay nakagat ng aso na naging sanhi
ng kanyang pagkamatay.
Sa ngayon, patuloy ang paseminar sa lahat ng barangay tungkol sa “Rabies Information Education Campaign”. Layunin nito na magbigay ng sapat na kaalaman tungkol sa mga unang hakbang na dapat gawin kapag may nakagat ng aso o ng anumang hayop.
Ipinagbibigay alam na ang ating pamahalaang bayan ay mayroong “Animal Bite Treatment Center” na kasalukuyang ay nasa proseso ng akreditasyon ng Department of Health (DOH). Ito ay matatagpuan sa gusali ng Municipal Health Office, sa loob ng compound ng munisipyo.
Ang nakatalagang gumaganap ay sina Gng. Liberty Castro, Consultant on Health-para sa tao at Dra. Eugenia De Belen-Reyes, Consultant Veterinarian-para naman sa mga hayop. Sila ay nasa ilalim ng pagsubaybay nina Dra. Yolanda C. Lucas at Dr. Ronaldo L. Santos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento