Nakasentro sa edukasyon, kalusugan, agrikultura at pangkabuhayan ng mamamayan ang mga plano ng pamahalaang bayan ngayong 2011.
Maraming oportunidad ang nabuksan para sa mga mamamayan ngayong taong ito.
Sa pangangasiwa ng Punong Bayan Nerito L. Santos, ay patuloy ang mga proyekto at programang isinasagawa para sa ikauunlad ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Narito ang mga plano ng pamahalaan ngayong 2011.
Una, pagdadagdag ng birthing station sa mga Barangay ng Bantug Hacienda at Bantug. Sa ngayon ay may apat nang birthing station ang bayan.
Pangalawa, pagkakaroon ng Himnasyo at stage sa 25 barangay, na umaabot sa 2.2 milyong piso ang inilaang pondo.
Pangatlo, paglalaan ng karagdagang pondo para sa mga programang pangkabuhayan o livelihood sa pamamagitan ng pagbubuo ng mas maraming asosasyon at kooperatiba.
Sa pang-agrikultura, ang pagkakaroon ng “cold storage” at “post harvest facilities”.
Pang-apat, pagdadagdag ng iba pang kurso sa NEUST-MGT, Talavera, Nueva Ecija tulad ng HRM at Accountancy.
Panglima, pagpapaganda at pagsasaayos ng national high-way, tulad ng paglalagay ng “plant box” sa mga gilid ng kalsada mula sa Brgy. Poblacion Sur hanggang sa Brgy. Maestrang Kikay at pagsasaayos ng drainage.
Pang-anim, pagpapagawa at pagdaragdag ng pasilidad at silid aralan sa mga elementarya sa barangay at pagkakaroon ng NEUST-MGT Extension sa Brgy. Tabacao.
Pangpito, pagpapakongkreto ng mga kalsada mula sa Brgy. Bakal III hanggang sa Brgy. Matingkis, Brgy. Tabacao hanggang Brgy. Casulucan Este, Brgy. Basang Hamog hanggang Brgy. Bulac, Brgy. Pula hanggang Brgy. Minabuyok, Brgy. Bagong Sikat hanggang Brgy. San Ricardo, Brgy. Gulod hanggang Brgy.Dimasalang Sur at Brgy. Dimasalang Norte.
Pangwalo, pagtataas ng 10 hanggang 20 porsyento sa sahod ng mga empleyado ng munisipyo. Pagdadagdag ng 10 hanggang 15 porsyento ng budget para sa “Health at Social Services”.
Pang-siyam, pagsasaayos ng mga tanggapan sa munisipyo base sa uri nito; Judiciary, Executive, at Legislative.
Pang-sampu, pagdadagdag ng “tricycle stalls” sa gilid ng Central Elementary School at paglalagay ng tiles sa wet section ng palengke upang maging mas maayos at malinis.
Sa kabila ng malaking pag-unlad na nakikita sa Talavera ay patuloy pa rin ang ating punong bayan sa pagsusulong ng mga programa at proyektong kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento