Noong una'y nakabasa ako ng artikulo tungkol sa “Bagong Talavera”. Tanong ng kabataang nagsulat nito: “Ano daw ba ang bago rito?” at marami pang tanong at pagkukumpara ng luma at bago. Makalipas ang dalawang panahon ng panunungkulan ni Punong Bayan Nerito L. Santos ang kasagutan ay, mamamayan na ang nagpapaliwanag. Ganoon pa man, sa aking pananaw, nais ko pa rin ibahagi ang aking obserbasyon.
Sa Bagong Talavera, ang pamamalakad sa pamahalaan ay nabago. Lahat ng tanggapan ay natutukan. Nabigyan ng merito ang empleyado na may magagandang gawa at pagkastigo sa mga mali ang gawa at mga tamad. Nawala ang kumisyon o nangungumisyon sa lahat ng mga binibili ng pamahalaan kung kaya dumami ang proyektong naipapagawa na dati'y napupunta lamang sa bulsa ng iilan. Ang mga empleyado ay maayos manamit, may uniporme at naka-I.D., nasa oras ang pasok, nawala ang pagbubulakbol, nawala ang paglalaro ng tong-its, manikurista, masahista, paglalako ng kung anu-ano ng kapwa empleyado. Modelo ang Sangguniang Bayan sa pagsusuot ng uniporme at oras ng pagdalo sa Pagtataas ng Watawat. Marami ang naipasang batas at kumpleto ang “attendance” sa pagdalo ng mga sisyon.
Dulot nito ay ang pagiging produktibo ng lahat ng empleyado kung kaya ang bawat tanggapan ay umani ng iba't-ibang parangal. Tumaas ang moral at sahod ng mga kawani.
Ang pamahalaan ay bukas 24/7 o 24 oras sa loob ng isang linggo dahil ang Punong Bayan ay matatagpuan anumang oras sa kanyang tanggapan kung kaya’t ang mamamayan ay madaling makalapit at maiparating ang kanilang mga hinanaing ng may solusyon kaagad.
Tunay ngang mahirap lumapit sa isang tao na hindi mo ibinoto ngunit ito ay hindi mo mara-ramdaman matapos mong subukan lumapit at sabihin ang iyong pakay dahil para kay Punong Bayan Nery Santos, tapos na ang eleksyon at ang pagganap na sa tungkulin ang nasa kanyang puso't isipan. Ito ang mga panloob na pagbabago na hindi nakikita kundi nadarama.
Ang mga panlabas na pagbabago ay mga istraktura na nakikita tulad ng mga kalsada, tulay, gusali ng paaralan, bakod, stage at himnasyo sa lahat ng barangay.
Mga bago pa rin sa larangan ng paglilingkod gaya ng edukasyon ay ang pagkakaroon ng kolehiyo at scholarship program. Pagkalinga sa mga batang may kapansanan, batang lansangan at Senior Citizen ng ating bayan na sa ngayon ay kinikilala na sa buong rehiyon.
Sa larangan ng kalusugan ay pagdadagdag ng mga Rural Health Unit at Birthing Station. Pagkakaroon ng mobile clinic, X-ray at ECG at pagdadagdag ng doctor, nurses, midwife at rural health worker bukod pa sa pagkakaroon ng medical mission sa lahat ng barangay taun-taon, pagdaragdag ng pondo sa gamot para sa RHU at sa Botika ng Bayan.
Ang iba't-ibang sektor ay binigyan din ng proyektong pagkakakitaan. Sa inihain ng punong bayan ay binigyan ng Sangguniang Bayan ng halagang 10 milyong piso alokasyon para sa mga bagong kooperatibang itatatag pa. Mga magsasaka ay natulungan sa mga “subsidy” tulong gaya ng binhi, buto at pataba .
Ang palengke ay nabago at lumaki maging ang kitang koleksyon mula sa mga nagbabayad ng buwis dahil sa pagdami ng nagtatayo ng negosyo sa loob at labas ng palengke. Ang plaza ay nabago ang anyo sa pagkakaroon ng gymn, palaruan gaya ng bisekleta,tren, mga hayop na dinadayo ng kalapit bayan upang panoorin. Naging matao at pasyalang muli ang liwasang bayan.
Ang anyo ng pulitika ay nabago na sa pagkakaroon ng “term sharing” nitong nakaraang halalan ng Association of Barangay Chairman (ABC) at Sangguniang Kabataan Federation.
Ano pa ba ang tawag sa Talavera kundi “Bagong Talavera”. Mali nga yata ako! Hindi pala! dapat palang itawag ay “Lungsod ng Talavera”!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento