EDITORYAL- Sa patuloy na pag-unlad ng Bayang Talavera ay mapapansin ang kabi-kabilang nagpapagawa ng mga istraktura, bahay, pang-komersyal at mapa-konkretong bakod, indikasyon na ang bayan at mamamayan ay umuunlad. Laganap ang nagpapagawa hindi lamang sa kabayanan maging sa lahat ng mga barangay. Ngunit marami man ang nagpapatayo ng ganitong istraktura, nananatiling maliit ang koleksyon sa building permit” ng tanggapan ng Pambayang Inhenyero.
Ito ay dahil sa kakulangan ng kaalaman ang mamamayan na sila ay kinakailangang kumuha ng building permit sa tanggapan ng Pambayang Inhinyero bago nila pasimulan ang kanilang istraktura.
Isa sa mga kadahilanan ng sakuna na ikinasasawi ng maraming buhay ay dahil sa hindi pagkakaroon ng inspeksyon sa ipinagagawa at hindi pasado sa “National Building Code” kasama na rito ang kondisyon, lokasyon at kalidad ng pagkakatayo. Napakahalaga ng pagsunod sa building code upang maging legal ang isang gusali at masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa pagguho at pagkasunog.
Bago magpagawa ng anumang istraktura, kahit ito ay bakod lamang, lalo na ang pagpapa-ayos ng tirahan, luma man o bago, marapat lamang na tayo ay kumuha ng “building permit”. Kapag ang ating ipinagagawa ay walang ”building permit”, ito ay iligal at anumang iligal ay may kaukulang parusa, multa o pagkabilanggo.
Maaaring ipatigil pansamantala ng kinauukulan ang ipinagagawa na magdudulot ng pagkabalam at malaking abala sa may-ari nito. Sa pagkakaroon ng “building permit”, ang mga inhenyero ay magkakaroon ng pag-iinspeksyon sa inyong ipinagagawa.
Ang pagbibigay ng “building permit” ay dapat lamang higpitan sapagkat hindi lamang para sa kaligtasan ng mga mamamayan, kundi malaking halaga rin ang nawawala sa kabang-bayan taun-taon dahil sa hindi nakokolektang bayad sa “building permit”.
Ayon sa talaan, lubhang maliit ang nakolekta at pumasok sa kabang bayan noong nakaraang taon kumpara sa dami ng mga istrakturang naipatayo. Tama lamang ang ginawang paglilipat ng Tanggapan ng Inhenyero sa tabi ng Tanggapan ng Punong Bayan. Lumaki ang koleksyon na umabot sa halagang P583,728.00 tumaas ng mahigit P400,000 piso kumpara noong taong 2009. Gayon pa man, higit na mahalaga ang kooperasyon ng mga mamamayan at boluntaryong pagkuha ng “building permit”.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento