Lunes, Marso 7, 2011

Programang Lingap Batang Lansangan, inilunsad


Pormal na inilunsad noong January 24, 2011 ang programang “Lingap Batang Lansangan” ni Punong Bayan Nerito L. Santos na sinaksihan ng lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa himnasyo ng Talavera, saksi rin ang Sangguniang Bayan at ang hudikatura sa pangunguna ni Kgg. Fraiser Viterbo, kasama ring dumalo ang mga magulang ng 38 batang nagmula sa mga barangay ng Maestrang Kikay,  Sampaloc  at  Matias.
      Naging bisitang pandangal ang Kura Paroko na si Fr. Joel Cariaso. Dito ay isinalaysay niya kung paanong nagsimula ang konsepto na kanyang ipinarating sa punong bayan upang tugunan ang suliranin sa mga batang lansangan.
      Sa buod ng pananalita ng pari, inamin niya na maraming sumbong sa mga sumisimba tungkol sa mga bata na nangangalabit at nanghihingi ng limos sa oras ng misa kung kaya sila ay nawawala sa konsentrasyon ng seremonya.
      Sinabi rin ng pari na siya'y nagbalak na ipadala ang mga bata sa mga institusyong kumakalinga sa ganitong uri ng problema katulad ng “Boys Town” o sa mga institusyon ng mga madre na mayroon sa ating lalawigan. Ngunit inamin niyang hindi rin ito ganito kadali kaya siya ay nakipag-ugnayan sa punong bayan.
      Ayon sa pari, siya ay labis na nagagalak sa naiibang aksyon ng punong bayan.  Aniya “Holistic” ang dating. Ibig sabihin, mayroong sangkap ng edukasyon, gabay panlipunan, ispiritwal at pangkabuhayan.
      Bilang panimula binigyan naman ng punong bayan ang mga bata ng mga gamit gaya ng bag, notebook, sapatos, at uniporme. Ang ibang mga empleyado ay tumulong din sa pagbibigay gaya ng toothbrush, tooth paste, sabon, suklay at iba pa.
      Si Gng. Aurora Juliano ang tumutugon sa edukasyon ng mga bata. Nagtuturo ng dalawang klase, may pang-umaga at panghapon.
Layunin nito na maihanda ang mga bata at muling maibalik sa paaralan sa susunod na pasukan.
      Si Gng. Emma de Ocampo, MSWDO, naman ang sumasagot sa suliraning panlipunan  gaya ng paggabay o pagtuturo sa mga magulang ng values, kanilang mga obligasyon at karapatan ng mga bata.
      Samantala, si Fr. Joel Cariaso ang tutugon sa pang-ispituwal na pangangailangan ng mga bata na kasalukuyang nag-hahanda pa ng programa.
      Iniatang naman ng punong bayan kay G. Benito Arma ng MCDO, ang gawaing pangkabuhayan para sa mga magulang ng mga bata upang magkaroon sila ng sariling pagkakakitaan para sa pang-araw araw na pamumuhay.
      Bago matapos ang programa nagpakita ng talento ang mga bata sa pamamagitan ng pagsayaw na ikinatuwa ng mga nanunuod.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento