Miyerkules, Marso 2, 2011

Chicharon Making; Ang yumayabong na negosyo ng Brgy. San Pascual, Talavera, Nueva Ecija




 Lathalain- Ang bayan ng Talavera ay hindi lamang kilala bilang isang agrikulturang munisipalidad kundi kilala na rin sa paggawa ng chicharon na talaga namang maipagmamalaki, mapa kepeng, macaroni o chicharon baboy man.
        Ang barangay San Pascual, ay kilala sa produktong ito. Kung dati ay umaangkat lamang sila ng chicharon mula sa San Miguel Bulacan upang kanilang itinda, ngayon ay ang paggawa na ng chicharon ang pangunahing hanap-buhay ng may higit sampung pamilya sa barangay na ito.
        Isa rito ay si Gng. Rosario de Lima, taong 2003 nang magsimula silang mag-angkat ng ibinibentang chicharon mula sa Bulacan. Makalipas ang ilang taong karanasan, nabuo ang plano na sila na mismo ang gumawa ng chicharon. Taong 2007 nang sinimulan nila ang negosyong chicharunan, pinangalanang “Irish's Special Chicharon”. Hindi daw naging madali ang kanilang simula sa negosyong ito sapagkat noong una ay puro lugi sila. Kahit pinanghihinaan na ng loob naging hamon sa kanila na ipagpatuloy ito at nang lumaon natutunan din nila ang tamang pagpapatakbo ng ganitong uri ng hanap-buhay. Bukod sa palengke sa Nueva Ecija, ang produktong chicharon ay ibinibenta din nila sa ibang lugar tulad ng Ilocos at La Union.
       Ang “Ivy's Special Chicharon” ang pinakaunang pagawaan ng chicharon sa Brgy. San Pascual na pagmamay-ari ni Gng. Angelina Alcanda, na mayroon nang 15 taong nag-ooperate. Ayon kay Gng. Angelina, ang kanyang asawa ay dating manggagawa sa pagawaan ng chicharon sa San Miguel Bulacan. Ang kanyang karanasan ang kaniyang ginamit kaya naging matagumpay ang kanilang negosyo. Ngayon ay patuloy silang gumagawa at nagbebenta dito sa Talavera at karatig  na bayan tulad ng Guimba, Sto. Domingo at Muṅoz at maging sa ibang lalawigan tulad ng Nueva Vizcaya at Pangasinan. Bukod sa produktong chicharon baboy, gumagawa din sila ng chicharon kepeng.
        Ayon sa kanila, mas malaki ang puhunan sa paggawa ng chicharon baboy kaysa sa chicharon kepeng at macaroni dahil ang balat ng baboy na ginagamit dito ay imported. Ayon sa kanilang karanasan, mas mainam daw ang imported na balat kumpara sa lokal dahil mas nagtatagal ito, hindi pa dinadapuan ng langaw samantalang ang lokal na balat ay mabilis umanta, mas mabilis masira at mahinang  umalsa.
        Ang macaroni at chicharon kepeng naman ay gawa sa harina, mas maraming sangkap na pampalasa ito tulad ng cassava, soda ash, asin, betsin at patis, samantalang ang sa chicharon baboy ay asin at betsin lamang.
        Mga iba pang pagawaan ng chicharon ay ang “Lermi's Special Chicharon” na pag-aari ni Gng. Marilyn Lopez at ang “Brea's Special Chicharon”  ni  Ginoong Ador Casas. Limang taon na rin silang gumagawa at ito rin ang pangunahing pinagkakakitaan ng kanilang pamilya. Ang kanilang produkto ay ibinabyahe sa lalawigan ng Nueva Ecija at rehiyon ng Ilocos.
Sang-ayon sa kanila, may mga dumarating din na problema na nagiging sanhi ng kanilang pagkalugi tulad ng hindi pag-alsa ng balat ng baboy, hindi tamang pagkakaluto o hindi tama ang timpla.
        Dahil sa pagdami ng mga gumagawa ng chicharon ngayon sa Brgy. San Pascual, lumalaki rin ang kompetisyon kung kaya pinagbubuti nila ang kalidad ng kanilang produkto.
        Ang ganitong uri ng pangkabuhayan ay nakatutulong sa komunidad, dahil nagiging daan ito upang makapagbigay ng pagkakakitaan at makapagbahagi ng kontribusyon sa ekonomiya ng ating bayan.

3 komento:

  1. Alamin ko po sana ang contact person dyan sa yumayabong na negosyo ng chicharonan sa brgy.ng mga Nueva Ecija? salamat

    TumugonBurahin
  2. wow! ganito po ba lahat ng gumagawa ng Chicharon sa Talavera?

    kakabibili ko lang at masarap naman bago at malutong ang "ROWENA special chicharon, talavera, N.E."

    yan po name ng nabili ko chicharon... kahit walang suka sawsawan...

    thanks sana dagdagan mo pa ang mga post mo na picture at video's para makita kung paano ang pag pro-process na malinis dapat

    nawalan ako ng gana kumain ng chicharon... ng may pinapakita di maayos ang pag gawa nito...

    TumugonBurahin
  3. ano pa ba ang pampaalsa ng chicharon Hindi ko kasi mapalaki ang chicharon eh!

    TumugonBurahin