Lunes, Marso 7, 2011

Disiplina sa sarili, solusyon sa problema sa basura


“Disiplina sa sarili ang tanging solusyon sa problema sa basura”, ito ang mga salitang binabanggit ni Punong Bayan Nerito L. Santos sa tuwing napag-uusapan ang programang kalinisan ng ating bayan.
Ayon din sa kanya, kung lahat ay may disiplina at malasakit, mamamayani sa ating bayan ang kalinisan ng kapaligiran.
Ang tanggapan ng General Services Office (GSO) ang inatasan ng punong bayan na mangangasiwa sa pagmimintina ng kalinisan at kaayusan sa kapaligiran ng liwasang bayan at palengke.
Samantala, ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ay sa pangongolekta ng mga basura at paglilinis ng buong bayan.
 Ayon kay Engr. Daniel M. Ferrer, hepe ng GSO, at Bb. Francisca I. Guevarra hepe ng MENRO, nagtalaga sila ng mga tagalinis sa iba't-ibang bahagi sa palibot ng bayan mula sa Brgy.  Matias hanggang Brgy. Poblacion Sur. Minimintinahan nilang linisin ang nagkalat na papel, plastik at anumang dumi sa kalsada, palengke, parke at munisipyo upang maging kaaya-aya sa paningin ng mga tao.
Naglagay ng mga basurahan sa palibot ng bayan at nagkabit ng mga billboard o karatula sa mga pampublikong lugar na naglalaman ng mga kaukulang parusa o multa sa mahuhuling nagkakalat ng basura.
Dagdag pa dito, nagtalaga ang punong bayan ng tagamasid sa mga taong walang pakundangang nagkakalat at walang disiplinang nagtatapon ng mga supot, basyo ng pinagkainan at upos ng sigarilyo sa paligid upang sila ay pagsabihan, sitahin, hulihin at pagmultahin ayon sa batas.
Ang ordinansa bilang  013-2004,  isa sa mga batas na ginawa ng Sangguniang Bayan at ipinatutupad naman ng punong bayan, ay nagbabawal ng pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar tulad ng parke, pelengke at sa mga yamang tubig tulad ng ilog at sapa na may kaukulang parusa at multa para sa mga mahuhuling lalabag dito.
Inaasahan na sa pamamagitan ng mahusay na pagganap ng GSO at MENRO kasama pa ang boluntaryong partisipasyon ng mamamayan, ang programang pangkalinisan at pangkalusugan ng pamahalaang bayan ay magsisilbing salamin ng isang maunlad na bayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento