Lunes, Marso 7, 2011

Bagong Talavera Police Station, pinasinayaan

Pinasinayaan noong Pebrero 16, 2011  ang bagong gusali ng pulisya ng Talavera at si Police Director General Raul M. Bacalzo, hepe ng pambansang pulisya ang naging panauhing pandangal.
    Kabilang sa mga opisyales na dumating ay sina PSSUPT Roberto L. Aliggayu, PD, NEPPO PCSUPT Alan LM. Purisima, RD, PRO3 at iba pang opisyales ng pambansang pulisya.
Nagkaroon muna ng maikling programa, si Rev. Fr. Joel S. Cariaso ang nanguna sa panalangin, sinundan ng bating pagtanggap ni Mayor Nery Santos, dito ay kanyang sinariwa ang hindi inaasahang pangyayari kay PSSUPT RICARDO DAYAG nung unang araw ng bagong taon.
    Ayon kay Mayor, sa kabila ng maikling panunungkulan ni PSSUPT Dayag ay nagpakita ito ng sinseridad at katapatan sa tungkulin at kung hindi nangyari ang trahedya ay sa kanyang panunungkulan sana bubuksan ang bagong himpilan ng pulisya.
    Sa pamamagitan ng ginawang resolusyon ng Sangguniang Bayan, inihayag ni Mayor Nery na ang gusali ay ipapangalan kay Col. Ricardo Dayag.
    Ipinaalala rin ni Mayor, na ang kaayusan at kaunlaran ng pamayanan ay nasa pagtutulungan ng pamahalaan, ng mamamayan at ng kapulisan. Na kung walang katahimikan ang pamayanan ay walang kaunlaran.
   Sa pagsasalita ni PDG Bacalzo, isinalaysay niya ang kanyang nagdaang panunungkulan dito sa ating lalawigan. Pinasalamatan niya si Mayor Nery dahil sa ibinigay na tulong upang matapos ang bagong himpilan  ng pulisya.
    Ibinida din ni PDG Bacalzo na sila ni Mayor Nery ay magkakilala na mula pa man noong siya ay koronel pa lamang at ng siya'y hiranging PNP Chief tanging si Mayor Nery lamang ang nakadalo na mayor sa kanyang inagurasyon.
    Kaya kahit hindi nakaprograma o walang pondo ang matagal ng nakatiwangwang na gusali ng PNP ito ay natapos ng mabilisan dahil na rin marahil sa pagiging magkaibigan ni Mayor Nery at PDG Bacalzo ng mahabang panahon.

30 kabataan, isinailalim sa “diversion o intervention program”

Noong nakaraang Disyembre 2010, 30 kabataang ang isinailalim sa “diversion o intervention program”.
    Ang nasabing programa ay nakapaloob sa Comprehensive Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 or Republic Act 9344 (RA 9344), isang batas na pumoprotekta sa mga batang menor de idad na nasangkot sa krimen na tinatawag na “Children in Conflict with the Law”  o (CICL) .
    Ayon sa RA 9344, ang mga CICL  o batang sangkot sa krimen na may edad 15 pababa ay exempted sa “criminal liability” o walang pananagutan sa krimen kahit napatunayan ito.
    Dahil sa wala silang“criminal liability”, hindi sila pwdeng i-detain o ikulong sa presinto kapag nahuli. Dapat ay maibalik agad sila sa kanilang mga magulang o kamag-anak. Kung wala na silang mga magulang o kamag-anak ay ipapasa sila sa DSWD at isasa-ilalim sa “diversion  program“.
    Dito ang mga bata ay inilalagay sa isang “counselling”.
    Dahil sa hindi pa maaring ikulong, ang 30 kabataan ay binigyan ng alternatibong gawain. “Community Service” o pinaglilinis sa mga pampublikong lugar tuwing sabado, mula 8-10:00 a.m. sa loob ng limang (5) buwan. Sila rin ay pinag-uulat kasama ang magulang at social worker na nakasubaybay sa tanggapan ng Municipal Social Welfare & Development o MSWD  minsan isang buwan.
    Para naman sa mga CICLs edad 15-17, ang social worker naman ang magrerekomenda kung sila ay lilitisin at ipakukulong.
    Layunin ng programang ito na muling maibalik sa lipunan ang mga bata at mabigyan ng pagkakataon na makapagbago.

Senior Citizen ng Talavera

Lathalain-Ang Senior Citizen ng Talavera ay isang himalang maituturing, dahil sa ito'y naging buhay at masiglang samahan ngayon. Kung baga ito'y isang pilay na nakalakad, isang bulag na nakakakita na, isang patay na muling nabuhay dahil sa ipinakitang pagmamalasakit sa kanila ng Punong Bayan Nerito L. Santos.
    Dati sila'y nanghihingi ng pondo sa mga pribadong sektor at pulitiko para sa kanilang samahan, ngayon sila na ang nagpa-pamigay sa kanilang mi-yembro na galing sa sarili nilang kita. May mga programa silang inihahanda upang  pa-siglahin ang kanilang samahan tulad ng buwanang pulong na dinadaluhan ng lahat ng miyembro. Kung dati'y mahirap sa kanila ang pagdalo sa pulong, ngayon kinasasabikan na nila ang pagsapit ng unang Biyernes ng kanilang pagkikita.
    Mayroon silang pala-tuntunan gaya ng Linggo ng Katandaan, at partisipasyon sa mga Araw ng Kalayaan, Buwan ng Kalusugan, Ka-paskuhan at Fiesta ng Bayan. Nagtatag din sila ng kanilang choir at dance group at pagkakaroon ng aerobics tuwing araw ng Biyernes alas 3:00 ng hapon sa himnasyo. Mayrooon din silang prog-ramang naka-tutulong sa lipunan gaya ng boluntaryong paglilinis ng kapaligiran.
    Para sa paglilingkod sa kanilang mga kasamahan, mayroon silang pagbisita sa mga nanlalamig o pagdalaw sa mga may sakit. At isa pang serbisyo ng Senior Citizen Center (SCC) ay ang Libing ng Masa, isang programa ng pagtulong sa pagpapalibing ng libre sa mga namatay na mahihirap. Kasama ang Municipal Social Welfare Development (MSWD) sa pagpapatupad ng programang ito.
    Dahil dito, ang Talavera Senior Citizen ay binigyan ng akreditasyon noong Set-yembre 2010 ng Region III, San Fernando bilang pagkilala sa kanilang magandang kontribusyon sa Bayan .
    Bilang pag-papahalaga ng punong bayan sa  samahan ay nagdagdag ng taunang pondo na ipinaraan sa MSWD ng halagang P272,000 para sa kanilang operasyon at iba pang panustos bukod sa pondong kita na nanggagaling sa Bagong Talavera Senior Citizen Funeral Parlor. 

Kampanya laban sa rabis, buong pwersang isinusulong

Nagpalabas ng ordinansa ang Sanguniang Bayan bilang kampanya laban sa rabies noong Oktubre 18, 2010.
    “Municipal Ordinance No. 014-2010, providing rules and regulations for the prevention of severe viral disease commonly known as RABIES, and prescribing penalties for its violation.”
    Ang naturang ordinansa ay naglalaman ng mga responsibilidad ng mga may-ari ng aso. Nakasaad dito,  na ang bawat alagang aso ay kailangang iparehistro sa barangay upang magkaroon ng talaan at mabigyan ng karampatang bakuna o vaccine anti-rabies ang mga ito.
    Ipinababatid din sa may-ari na huwag hayaang pagala-gala sa labas ng bakuran o sa kalsada ang kanilang alagang aso. Ang mga  makikitang asong pagala-gala ay huhulihin at dadaldin sa barangay at ikukulong.
    Sa mga mahuhuling aso, bibigyan lamang ng dalawang araw ang may-ari upang bawiin. At kung walang babawi at mag-aampon, ito ay papatayin sa pamamaraan ng “euthanasia” o “mercy killing” at tanging veterinarian lamang ang maaaring magsagawa nito.
    Mahigpit din ipinagbabawal ang pagkatay at pagkain ng aso. Sa mga mahuhuling lalabag, sila ay papatawan ng karampatang parusa at multa. Ganoon din sa mga manunupsop at mananandok o tawak dahil hindi naayon sa medisina ang ganitong uri ng panggagamot.
    Ayon kay Gng. Liberty  Castro,  simula noong Setyembre 2010 hanggang Pebrero taong kasalukuyan ay may 121 kaso ng nakagat ng aso at ang isa sa mga ito ay hindi ipinaalam sa magulang na siya ay nakagat ng aso na naging sanhi
ng kanyang pagkamatay.
    Sa ngayon, patuloy ang paseminar sa lahat ng barangay tungkol sa “Rabies Information Education Campaign”. Layunin nito na magbigay ng sapat na kaalaman tungkol sa mga unang hakbang na dapat gawin kapag may nakagat ng aso o ng anumang hayop.
    Ipinagbibigay alam na ang ating pamahalaang bayan ay mayroong “Animal Bite Treatment Center” na kasalukuyang ay nasa proseso ng akreditasyon ng Department of Health (DOH). Ito ay matatagpuan sa gusali ng Municipal Health Office, sa loob ng compound ng munisipyo.
Ang nakatalagang gumaganap ay sina Gng. Liberty Castro, Consultant on Health-para sa tao at Dra. Eugenia De Belen-Reyes, Consultant Veterinarian-para naman sa mga hayop. Sila ay nasa ilalim ng pagsubaybay nina Dra. Yolanda C. Lucas at Dr. Ronaldo L. Santos.

Disiplina sa sarili, solusyon sa problema sa basura


“Disiplina sa sarili ang tanging solusyon sa problema sa basura”, ito ang mga salitang binabanggit ni Punong Bayan Nerito L. Santos sa tuwing napag-uusapan ang programang kalinisan ng ating bayan.
Ayon din sa kanya, kung lahat ay may disiplina at malasakit, mamamayani sa ating bayan ang kalinisan ng kapaligiran.
Ang tanggapan ng General Services Office (GSO) ang inatasan ng punong bayan na mangangasiwa sa pagmimintina ng kalinisan at kaayusan sa kapaligiran ng liwasang bayan at palengke.
Samantala, ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ay sa pangongolekta ng mga basura at paglilinis ng buong bayan.
 Ayon kay Engr. Daniel M. Ferrer, hepe ng GSO, at Bb. Francisca I. Guevarra hepe ng MENRO, nagtalaga sila ng mga tagalinis sa iba't-ibang bahagi sa palibot ng bayan mula sa Brgy.  Matias hanggang Brgy. Poblacion Sur. Minimintinahan nilang linisin ang nagkalat na papel, plastik at anumang dumi sa kalsada, palengke, parke at munisipyo upang maging kaaya-aya sa paningin ng mga tao.
Naglagay ng mga basurahan sa palibot ng bayan at nagkabit ng mga billboard o karatula sa mga pampublikong lugar na naglalaman ng mga kaukulang parusa o multa sa mahuhuling nagkakalat ng basura.
Dagdag pa dito, nagtalaga ang punong bayan ng tagamasid sa mga taong walang pakundangang nagkakalat at walang disiplinang nagtatapon ng mga supot, basyo ng pinagkainan at upos ng sigarilyo sa paligid upang sila ay pagsabihan, sitahin, hulihin at pagmultahin ayon sa batas.
Ang ordinansa bilang  013-2004,  isa sa mga batas na ginawa ng Sangguniang Bayan at ipinatutupad naman ng punong bayan, ay nagbabawal ng pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar tulad ng parke, pelengke at sa mga yamang tubig tulad ng ilog at sapa na may kaukulang parusa at multa para sa mga mahuhuling lalabag dito.
Inaasahan na sa pamamagitan ng mahusay na pagganap ng GSO at MENRO kasama pa ang boluntaryong partisipasyon ng mamamayan, ang programang pangkalinisan at pangkalusugan ng pamahalaang bayan ay magsisilbing salamin ng isang maunlad na bayan.

Mga Tanggapan ng Pamahalaang Bayan ng Talavera humakot ng mga parangal

Ang Business Permit and Licensing Office (BPLO), Municipal Social Welfare and Development (MSWD), Municipal Environment and Natural Resources (MENRO) at Municipal Tourism Office ay mga tanggapan ng pamahalaang bayan ng Talavera na nagkamit ng parangal at pagkilala.
    Ang Business, Permit and Licensing Office (BPLO) ay nagkamit ng unang titulo bilang “Most Friendly LGU” noong Oktubre 13, 2010, itinanghal sanang pinakamahusay kung may Close Circuit Television (CCTV) Camera ang kanilang tanggapan. Ngunit kinilala bilang “Consistent Hall of Famer” sa loob ng limang sunod sunod na taon sa temang “Streamlining of Issuance of Business” noong nakaraang Abril. Isang pagkilala sa kanilang mahusay na serbisyo ang binigyang pansin upang gawaran din ng “Award of Excellence in the Implementation of e-Governance for Municipal Development Program noong Setyembre 6, 2010. Ibig sabihin, nagkaroon ng mabilis na usad ng mga dokumento sa loob lamang ng ilang minuto dahil nawala ang “red tape”.
     Ayon kay Gng. Rosemarie Reyes, hepe ng BPLO, “masigla ang pagnenegosyo ngayong taon dahil tumaas ang bilang ng nagbabayad ng buwis at kumukuha ng permit sa pagnenegosyo na umabot na sa 1, 264 ang bilang ng mga aplikante kumpara sa 1,232 nang nakaraang taon.”
Ganoon pa man, ang BPLO ay patuloy pa din sa pagpapaganda ng kanilang serbisyo at kabilang sa kanilang pinagsisikapan ay ang pagkakaroon ng GPS na sistema ng computerization sa buong munisipalidad, at ang patuloy na pagpapalakad sa Business One Stop Shop (BOSS).
     Ang MSWD ay nagwagi ng tatlong titulo mula sa iba't- ibang kategorya sa nakaraang “Children's Congress 2010”, Oktubre 2010.
     Ang Little Angel Day Care Center ng Brgy. Pinagpanaan ang naging pambato ng MSWD upang makuha ang tatlong titulo ng parangal. Sa paggabay nina Day Care Worker Gng. Florencia Hipolito, Federation President  at Gng. Rufina C. David ay nanalo ng unang gantimpala sa larangan ng pagsayaw (Provincial Level) noong Oktubre 27, 2010. Ang pangalawa ay sa larangan ng pagtula (Regional level), nanalo ng pangatlong gantimpala at panghuli ay sa “Day Care Worker General Assembly Dance Showdown” noong Nobyembre 26, 2010, bilang kampeon. (Provincial Level)
     Samantala, pinarangalan din ang MENRO bilang isa sa may “Pinakamaringal na Eco-Park 2010” at  ang Municipal Tourism Office na nagwagi ng pangalawang gantimpala sa “Best of Float”.  noong ika-144 na pagdiriwang ng “ Araw ng Nueva Ecija”, Setyembre 2, 2010 sa Convention Center, Palayan City.
     Binigyan naman ng plake ng pagpapahalaga ang palengke at slaughter house noong nakaraang Nobyembre 2010 sa Provincial Convention Center.

Programang Lingap Batang Lansangan, inilunsad


Pormal na inilunsad noong January 24, 2011 ang programang “Lingap Batang Lansangan” ni Punong Bayan Nerito L. Santos na sinaksihan ng lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa himnasyo ng Talavera, saksi rin ang Sangguniang Bayan at ang hudikatura sa pangunguna ni Kgg. Fraiser Viterbo, kasama ring dumalo ang mga magulang ng 38 batang nagmula sa mga barangay ng Maestrang Kikay,  Sampaloc  at  Matias.
      Naging bisitang pandangal ang Kura Paroko na si Fr. Joel Cariaso. Dito ay isinalaysay niya kung paanong nagsimula ang konsepto na kanyang ipinarating sa punong bayan upang tugunan ang suliranin sa mga batang lansangan.
      Sa buod ng pananalita ng pari, inamin niya na maraming sumbong sa mga sumisimba tungkol sa mga bata na nangangalabit at nanghihingi ng limos sa oras ng misa kung kaya sila ay nawawala sa konsentrasyon ng seremonya.
      Sinabi rin ng pari na siya'y nagbalak na ipadala ang mga bata sa mga institusyong kumakalinga sa ganitong uri ng problema katulad ng “Boys Town” o sa mga institusyon ng mga madre na mayroon sa ating lalawigan. Ngunit inamin niyang hindi rin ito ganito kadali kaya siya ay nakipag-ugnayan sa punong bayan.
      Ayon sa pari, siya ay labis na nagagalak sa naiibang aksyon ng punong bayan.  Aniya “Holistic” ang dating. Ibig sabihin, mayroong sangkap ng edukasyon, gabay panlipunan, ispiritwal at pangkabuhayan.
      Bilang panimula binigyan naman ng punong bayan ang mga bata ng mga gamit gaya ng bag, notebook, sapatos, at uniporme. Ang ibang mga empleyado ay tumulong din sa pagbibigay gaya ng toothbrush, tooth paste, sabon, suklay at iba pa.
      Si Gng. Aurora Juliano ang tumutugon sa edukasyon ng mga bata. Nagtuturo ng dalawang klase, may pang-umaga at panghapon.
Layunin nito na maihanda ang mga bata at muling maibalik sa paaralan sa susunod na pasukan.
      Si Gng. Emma de Ocampo, MSWDO, naman ang sumasagot sa suliraning panlipunan  gaya ng paggabay o pagtuturo sa mga magulang ng values, kanilang mga obligasyon at karapatan ng mga bata.
      Samantala, si Fr. Joel Cariaso ang tutugon sa pang-ispituwal na pangangailangan ng mga bata na kasalukuyang nag-hahanda pa ng programa.
      Iniatang naman ng punong bayan kay G. Benito Arma ng MCDO, ang gawaing pangkabuhayan para sa mga magulang ng mga bata upang magkaroon sila ng sariling pagkakakitaan para sa pang-araw araw na pamumuhay.
      Bago matapos ang programa nagpakita ng talento ang mga bata sa pamamagitan ng pagsayaw na ikinatuwa ng mga nanunuod.

Miyerkules, Marso 2, 2011

Chicharon Making; Ang yumayabong na negosyo ng Brgy. San Pascual, Talavera, Nueva Ecija




 Lathalain- Ang bayan ng Talavera ay hindi lamang kilala bilang isang agrikulturang munisipalidad kundi kilala na rin sa paggawa ng chicharon na talaga namang maipagmamalaki, mapa kepeng, macaroni o chicharon baboy man.
        Ang barangay San Pascual, ay kilala sa produktong ito. Kung dati ay umaangkat lamang sila ng chicharon mula sa San Miguel Bulacan upang kanilang itinda, ngayon ay ang paggawa na ng chicharon ang pangunahing hanap-buhay ng may higit sampung pamilya sa barangay na ito.
        Isa rito ay si Gng. Rosario de Lima, taong 2003 nang magsimula silang mag-angkat ng ibinibentang chicharon mula sa Bulacan. Makalipas ang ilang taong karanasan, nabuo ang plano na sila na mismo ang gumawa ng chicharon. Taong 2007 nang sinimulan nila ang negosyong chicharunan, pinangalanang “Irish's Special Chicharon”. Hindi daw naging madali ang kanilang simula sa negosyong ito sapagkat noong una ay puro lugi sila. Kahit pinanghihinaan na ng loob naging hamon sa kanila na ipagpatuloy ito at nang lumaon natutunan din nila ang tamang pagpapatakbo ng ganitong uri ng hanap-buhay. Bukod sa palengke sa Nueva Ecija, ang produktong chicharon ay ibinibenta din nila sa ibang lugar tulad ng Ilocos at La Union.
       Ang “Ivy's Special Chicharon” ang pinakaunang pagawaan ng chicharon sa Brgy. San Pascual na pagmamay-ari ni Gng. Angelina Alcanda, na mayroon nang 15 taong nag-ooperate. Ayon kay Gng. Angelina, ang kanyang asawa ay dating manggagawa sa pagawaan ng chicharon sa San Miguel Bulacan. Ang kanyang karanasan ang kaniyang ginamit kaya naging matagumpay ang kanilang negosyo. Ngayon ay patuloy silang gumagawa at nagbebenta dito sa Talavera at karatig  na bayan tulad ng Guimba, Sto. Domingo at Muá¹…oz at maging sa ibang lalawigan tulad ng Nueva Vizcaya at Pangasinan. Bukod sa produktong chicharon baboy, gumagawa din sila ng chicharon kepeng.
        Ayon sa kanila, mas malaki ang puhunan sa paggawa ng chicharon baboy kaysa sa chicharon kepeng at macaroni dahil ang balat ng baboy na ginagamit dito ay imported. Ayon sa kanilang karanasan, mas mainam daw ang imported na balat kumpara sa lokal dahil mas nagtatagal ito, hindi pa dinadapuan ng langaw samantalang ang lokal na balat ay mabilis umanta, mas mabilis masira at mahinang  umalsa.
        Ang macaroni at chicharon kepeng naman ay gawa sa harina, mas maraming sangkap na pampalasa ito tulad ng cassava, soda ash, asin, betsin at patis, samantalang ang sa chicharon baboy ay asin at betsin lamang.
        Mga iba pang pagawaan ng chicharon ay ang “Lermi's Special Chicharon” na pag-aari ni Gng. Marilyn Lopez at ang “Brea's Special Chicharon”  ni  Ginoong Ador Casas. Limang taon na rin silang gumagawa at ito rin ang pangunahing pinagkakakitaan ng kanilang pamilya. Ang kanilang produkto ay ibinabyahe sa lalawigan ng Nueva Ecija at rehiyon ng Ilocos.
Sang-ayon sa kanila, may mga dumarating din na problema na nagiging sanhi ng kanilang pagkalugi tulad ng hindi pag-alsa ng balat ng baboy, hindi tamang pagkakaluto o hindi tama ang timpla.
        Dahil sa pagdami ng mga gumagawa ng chicharon ngayon sa Brgy. San Pascual, lumalaki rin ang kompetisyon kung kaya pinagbubuti nila ang kalidad ng kanilang produkto.
        Ang ganitong uri ng pangkabuhayan ay nakatutulong sa komunidad, dahil nagiging daan ito upang makapagbigay ng pagkakakitaan at makapagbahagi ng kontribusyon sa ekonomiya ng ating bayan.

Pagkuha ng building permit, pinaiigting

EDITORYAL- Sa patuloy na pag-unlad ng Bayang Talavera ay mapapansin ang kabi-kabilang nagpapagawa ng mga istraktura, bahay, pang-komersyal at mapa-konkretong bakod, indikasyon na ang bayan at mamamayan ay umuunlad.  Laganap ang nagpapagawa hindi lamang sa kabayanan maging sa lahat ng mga barangay. Ngunit marami man ang nagpapatayo ng ganitong istraktura, nananatiling maliit ang koleksyon sa building permit” ng tanggapan ng Pambayang Inhenyero.
        Ito ay dahil sa kakulangan ng kaalaman ang mamamayan na sila ay kinakailangang kumuha ng building permit sa tanggapan ng Pambayang Inhinyero bago nila pasimulan ang kanilang istraktura.
Isa sa mga kadahilanan ng sakuna na ikinasasawi ng maraming buhay ay dahil sa hindi pagkakaroon ng inspeksyon sa ipinagagawa at hindi pasado sa “National Building Code” kasama na rito ang  kondisyon, lokasyon at kalidad ng pagkakatayo. Napakahalaga ng pagsunod sa building code upang maging legal ang isang gusali at masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa pagguho  at pagkasunog.
       Bago magpagawa ng anumang istraktura, kahit ito ay bakod lamang, lalo na ang pagpapa-ayos ng tirahan, luma man o bago, marapat  lamang na tayo ay kumuha ng “building permit”. Kapag ang ating ipinagagawa ay walang ”building permit”, ito ay iligal at anumang iligal ay may kaukulang parusa, multa o pagkabilanggo.
       Maaaring ipatigil pansamantala ng kinauukulan ang ipinagagawa na magdudulot ng pagkabalam at malaking abala sa may-ari nito. Sa pagkakaroon ng “building permit”, ang mga inhenyero ay magkakaroon ng pag-iinspeksyon sa inyong ipinagagawa.
       Ang pagbibigay ng “building permit” ay dapat lamang higpitan sapagkat hindi lamang para sa kaligtasan ng mga mamamayan, kundi malaking halaga rin ang nawawala sa kabang-bayan taun-taon dahil sa hindi nakokolektang bayad sa “building permit”.
      Ayon sa talaan, lubhang maliit ang nakolekta at pumasok sa kabang bayan noong nakaraang taon kumpara sa dami ng mga istrakturang naipatayo. Tama lamang ang ginawang paglilipat ng Tanggapan ng Inhenyero sa tabi ng Tanggapan ng Punong Bayan. Lumaki ang koleksyon na umabot sa halagang P583,728.00 tumaas ng mahigit P400,000 piso kumpara noong taong 2009. Gayon pa man, higit na mahalaga ang kooperasyon ng mga mamamayan at boluntaryong pagkuha ng “building permit”.

Ano ang bago sa bayan ng Talavera?

Noong una'y nakabasa ako ng artikulo tungkol sa “Bagong Talavera”. Tanong ng kabataang nagsulat nito: “Ano daw ba ang bago rito?” at marami pang tanong at pagkukumpara ng luma at bago. Makalipas ang dalawang panahon ng panunungkulan ni Punong Bayan Nerito L. Santos ang kasagutan ay, mamamayan na ang nagpapaliwanag. Ganoon pa man, sa aking pananaw, nais ko pa rin ibahagi ang aking obserbasyon. 
Sa Bagong Talavera, ang pamamalakad sa pamahalaan ay nabago. Lahat ng tanggapan ay natutukan. Nabigyan ng merito ang empleyado na may magagandang gawa at pagkastigo sa mga mali ang gawa at mga tamad. Nawala ang kumisyon o nangungumisyon sa lahat ng mga binibili ng pamahalaan kung kaya dumami ang proyektong naipapagawa na dati'y napupunta lamang sa bulsa ng iilan. Ang mga empleyado ay maayos manamit, may uniporme at naka-I.D., nasa oras ang pasok, nawala ang pagbubulakbol, nawala ang paglalaro ng tong-its, manikurista, masahista, paglalako ng kung anu-ano ng kapwa empleyado. Modelo ang Sangguniang Bayan sa pagsusuot ng uniporme at oras ng pagdalo sa Pagtataas ng Watawat. Marami ang naipasang batas at kumpleto ang “attendance” sa pagdalo ng mga sisyon.
Dulot nito ay ang pagiging produktibo ng lahat ng empleyado kung kaya ang bawat tanggapan ay umani ng iba't-ibang parangal. Tumaas ang moral at sahod ng mga kawani.
Ang pamahalaan ay bukas 24/7 o 24 oras sa loob ng isang linggo dahil ang Punong Bayan ay matatagpuan anumang oras sa kanyang tanggapan kung kaya’t ang mamamayan ay madaling makalapit at maiparating ang kanilang mga hinanaing ng may solusyon kaagad.
Tunay ngang mahirap lumapit sa isang tao na hindi mo ibinoto ngunit ito ay hindi mo mara-ramdaman matapos mong subukan lumapit at sabihin ang iyong pakay dahil para kay Punong Bayan Nery Santos, tapos na ang eleksyon at ang pagganap na sa tungkulin ang nasa kanyang puso't isipan. Ito ang mga panloob na pagbabago na hindi nakikita kundi nadarama.
Ang mga panlabas na pagbabago ay mga istraktura na nakikita tulad ng mga kalsada, tulay, gusali ng paaralan, bakod, stage at himnasyo sa lahat ng barangay.
Mga bago pa rin sa larangan ng paglilingkod gaya ng edukasyon ay ang pagkakaroon ng kolehiyo at scholarship program. Pagkalinga sa mga batang may kapansanan, batang lansangan at Senior Citizen ng ating bayan na sa ngayon ay kinikilala  na sa buong rehiyon.
Sa larangan ng kalusugan ay pagdadagdag ng mga Rural Health Unit at Birthing Station. Pagkakaroon ng mobile clinic, X-ray at ECG at pagdadagdag ng doctor, nurses, midwife at rural health worker bukod pa sa pagkakaroon ng medical mission sa lahat ng barangay taun-taon, pagdaragdag ng pondo sa gamot para sa  RHU at sa Botika ng Bayan.
Ang iba't-ibang sektor ay binigyan din ng proyektong pagkakakitaan. Sa inihain ng punong bayan ay binigyan ng Sangguniang Bayan ng halagang 10 milyong piso alokasyon para sa mga  bagong kooperatibang itatatag pa. Mga magsasaka ay natulungan sa mga “subsidy” tulong gaya ng binhi, buto at pataba .
Ang palengke ay nabago at lumaki maging ang kitang koleksyon mula sa mga nagbabayad ng buwis dahil sa pagdami ng nagtatayo ng negosyo sa loob at labas ng palengke. Ang plaza ay nabago ang anyo sa pagkakaroon ng gymn, palaruan gaya ng bisekleta,tren, mga hayop na dinadayo ng kalapit bayan upang panoorin. Naging matao at pasyalang muli ang liwasang bayan.
Ang anyo ng pulitika ay nabago na sa pagkakaroon ng “term sharing” nitong nakaraang halalan ng Association of Barangay Chairman (ABC) at Sangguniang Kabataan Federation.
Ano pa ba ang tawag sa Talavera kundi “Bagong Talavera”. Mali nga yata ako!  Hindi pala! dapat palang itawag ay “Lungsod ng Talavera”!

Seminar sa Japan, dinaluhan








Dumalo si Municipal Administrator Nerivi S. Martinez sa taunang kurso ng pagsasanay para sa mga kabataang lider sa Japan sa ilalim ng programa ng JICA noong Enero 23 hanggang Pebrero 9, 2011.
      Ang mga kabataang lider ay dumaan sa “screening process” at ang mga nakapasa ay binigyan ng paanyaya base sa linya ng kanilang kasanayan, hangarin ng JICA na makapagbahagi ng makabagong teknolohiya at kaalaman para sa mga nagsidalong bansa at maiangkop ang mga ito pagbabalik nila sa kanilang bayan at maihanda sila bilang lider ng bansa sa hinaharap.
     Ang programang ito ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ay nagsimula noong taong 2007.   
     Layunin nito na hubugin ang mga batang lider, edad 25-35, mula sa iba't- ibang bahagi ng mundo.
     Ang programang ito ay dating  ASEAN-JAPAN Friendship Program for the 21st Century. Ang ating PARO I ng DAR North, Ms. Joyce Ramones ay isa din sa nakadalo sa nasabing pagsasanay at kasalukuyang nagbabahagi ng kanyang mga natutunan at karanasan sa larangan ng Agrikultura. Ang programa ng JICA  ay sinimulan pa noong taong 1982 para sa bansang ASEAN at lumawak ito ng humigit kumulang sa 120 bansa upang patatagin ang bigkis ng pagkakaibigan.
     Ang programang ito makatutulong sa kasanayan ng mga kabataang lider sa iba't ibang larangan ng paglilingkod para sa kaunlaran ng pamayanan at lipunan.
     Ang kursong dinaluhan ni Administrator Martinez ay ang pamamahala o administratibo bilang “public servant”. Pamamahala sa kapaligiran ukol sa basura at kalikasan, kooperatiba, agrikultura, kalusugan, pamilihang bayan, at lokal na turismo.
     Sinabi ni Admin. Martinez, natutunan niya ang mga sangkap ng pagiging maunlad ng bansang Japan. Ito ay sa kadahilanang ang mga mamamayan dito ay disiplinado, mapagmahal sa bayan at masunurin sa batas, mapitagan sa mga nakatatanda at lider, masipag at mapagmalasakit sa kumpanyang pinapasukan, at  may malasakit sa kalikasan.

Talavera malapit ng maging siyudad


Naabot na ng Talavera ang pamantayan upang maging syudad kaya naman ang pamahalaang bayan ay lubos ang pagsusulong sa panukala upang magkaroon ng kaganapan ito.
        Base sa pamantayan upang maging syudad ang isang bayan, nararapat na magkaroon ng kabuuang taunang kita na 100 milyong piso sa loob ng dalawang magkasunod na taon at mayroong populasyon na hindi bababa sa 150, 000 mamamayang naninirahan at may kabuuang sukat na hindi bababa sa 10,000 ektarya.
        Ang Talavera ay umabot na sa pamantayang ito.
        Tinatayang mayroon na tayong 150,000 bilang ng populasyon at may kabuuang sukat na 14, 256 ektaryang lupain, itinuturing na isa sa may pinakamalaking  munisipalidad sa probinsya ng Nueva Ecija at 100 milyong taunang kita.
        Nitong nakaraang taon 2010, naglabas ang Sangguniang Bayan nang panukala (resolution) upang maging isang syudad ang Talavera na isinumite sa Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija; ang Resolusyon Bilang  009-2010 na humihingi ng rekomendasyon sa Sangguniang Panlalawigan na i-endorso ang  Talavera sa “Senate at House of Representatives” .
        Humarap na rin ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan
ng Talavera sa Sangguniang Panlalawigan noong Setyembre upang ilatag at idepensa ang panukala.
      Samantala, ang naturang resolusyon ay naaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong nakaraang Nobyembre 2010 at ngayon ay isinusulong naman ang pag-eendorso sa Senate at House of Representatives sa pamamagitan ni Representative Josefina Joson ng unang distrito ng Nueva Ecija.

Mga plano ngayong 2011, isinasagawa na



Nakasentro sa edukasyon, kalusugan, agrikultura at pangkabuhayan ng mamamayan ang mga plano ng pamahalaang bayan ngayong 2011. 
      Maraming oportunidad ang nabuksan para sa mga mamamayan ngayong taong ito.
      Sa pangangasiwa ng Punong Bayan Nerito L. Santos, ay patuloy ang mga proyekto at programang isinasagawa para sa ikauunlad ng pamumuhay ng mga mamamayan.
      Narito ang mga plano ng pamahalaan ngayong 2011.
      Una, pagdadagdag ng birthing station sa mga Barangay ng Bantug Hacienda at Bantug. Sa ngayon ay may apat nang birthing station ang bayan.
      Pangalawa, pagkakaroon ng Himnasyo at stage sa 25 barangay, na umaabot sa 2.2 milyong piso ang inilaang pondo.
      Pangatlo, paglalaan ng karagdagang pondo para sa mga programang pangkabuhayan o livelihood sa pamamagitan ng pagbubuo ng mas maraming asosasyon at kooperatiba.
      Sa pang-agrikultura, ang pagkakaroon ng “cold storage” at “post harvest facilities”.
      Pang-apat, pagdadagdag ng iba pang kurso sa NEUST-MGT, Talavera, Nueva Ecija tulad ng HRM at Accountancy.
      Panglima, pagpapaganda at pagsasaayos ng national high-way, tulad ng paglalagay ng “plant box” sa mga gilid ng kalsada mula sa Brgy. Poblacion Sur hanggang sa Brgy. Maestrang Kikay at pagsasaayos ng drainage.
      Pang-anim, pagpapagawa at pagdaragdag ng pasilidad at silid aralan sa mga elementarya sa barangay at pagkakaroon ng  NEUST-MGT Extension sa Brgy. Tabacao.
      Pangpito, pagpapakongkreto ng mga kalsada mula sa Brgy. Bakal III hanggang sa Brgy. Matingkis, Brgy. Tabacao hanggang Brgy. Casulucan Este, Brgy. Basang Hamog hanggang Brgy. Bulac, Brgy. Pula hanggang Brgy. Minabuyok, Brgy. Bagong Sikat hanggang Brgy. San Ricardo, Brgy. Gulod hanggang Brgy.Dimasalang Sur at Brgy. Dimasalang Norte.
      Pangwalo, pagtataas ng 10 hanggang 20 porsyento sa sahod ng mga empleyado ng munisipyo. Pagdadagdag ng 10 hanggang 15 porsyento ng budget para sa “Health at Social Services”.
      Pang-siyam, pagsasaayos ng mga tanggapan sa munisipyo base sa uri nito; Judiciary, Executive, at Legislative.
      Pang-sampu, pagdadagdag ng “tricycle stalls” sa gilid ng Central Elementary School at paglalagay ng tiles sa wet section ng palengke upang maging mas maayos at malinis.
      Sa kabila ng malaking pag-unlad na nakikita sa Talavera ay patuloy pa rin ang ating punong bayan  sa pagsusulong ng mga programa at proyektong kapaki-pakinabang sa mamamayan.